Anim na military commander ang naglabas ng magkakahiwalay na pahayag ngayong Huwebes, Nobyembre 20, na tiniyak na mananatiling tapat ang kanilang puwersa sa Konstitusyon at hindi makikialam sa politika.
Ito’y kasabay ng patuloy na panawagan sa AFP na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang mga kumander mula sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Western, Western Mindanao, at National Capital Region Commands ay sumuporta kay AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr., na iginiit na ang militar ay neutral at nakatali sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga naglabas ng pahayag sina Gen. Gregorio Hernandez Jr. (NCRCOM), Lt. Gen. Aristotle Gonzalez (NOLCOM), Lt. Gen. Cerilo Balaoro Jr. (SOLCOM), Lt. Gen. Fernando Reyeg (VISCOM), Vice Adm. Alfonso Torres Jr. (WESCOM), at Maj. Gen. Donald Gumiran (WESTMINCOM).
Kasabay nito ang nalalapit na protesta sa Nobyembre 30 para sa laban kontra korapsyon, na inaasahang dadaluhan ng civil society groups at Church leaders bilang follow-up sa malakihang rally noong Setyembre 21.
Noong nakaraang Oktubre, sinabi ni Brawner na may lumapit na retiradong heneral na humihikayat sa AFP na iwanan si Marcos, ngunit tinanggihan niya ito at ipinaalam sa Pangulo.
Binigyang-diin ng mga kumander ang propesyonalismo, disiplina, at tungkulin ng AFP sa pagtatanggol ng Republika at Kapayapaan.
Hinikayat nila ang publiko na ipahayag ang saloobin nang mapayapa at may respeto sa karapatan ng iba, habang ang mga komunidad ay patuloy na nagbabalik-loob mula sa mga sakuna. | via Allan Ortega
