Inumpisahan na ng grupong Manibela ang kanilang 3-day transport strike ngayong Martes, December 9.
Bahagi ito ng kanilang protesta laban sa umano’y “vague promises” ng gobyerno sa pagtugon sa mga umano’y abusong patuloy na nararanasan ng jeepney drivers.
Tinutulan din ng grupo ang “payola” o ang bribery system sa loob ng Land Transportation Office (LTO).
Sa kanilang Facebook posts, sinabi ng grupo na stranded ang mga pasahero sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kung saan isinasagawa ang mga kilos-protesta.
“Paralisado ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila!” saad sa isang post ng kanilang Facebook page.
Giit ng grupong Manibela, nararanasan ang pagkaparalisa ng Metro Manila dahil walang bumabiyaheng jeep na bunga umano ng labis na pagiging arogante ng Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO), na anila’y nagpapakita ng kawalan ng malasakit sa mga commuter, partikular sa mga manggagawa at estudyante.
Nanawagan din ang grupo kay Pangulong Bongbong Marcos na solusyonan ang isyu sa pampublikong transportasyon para maibsan ang paghihirap ng mamamayang Pilipino.
Inihanda naman ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga sasakyan upang tumulong sa mga pasaherong na-stranded, ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. | via Andrea Matias
