Tinatalakay ng House Committee on Transportation ang roll out ng fuel subsidy program, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Sa pangunguna ni Committee on Transportation chairperson at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren, binusisi ang agarang paglalatag ng mga mekanismo, upang agarang ma-i-roll out itong fuel subsidy sa transport sector, na uma-aray dahil sa historic high pump sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa deliberasyon ng Komite, kinuwestyon ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando, ang DOE kaugnay ng urgency nito sa paglalabas ng certification para agad nang umusad ang fuel subsidy disbursement.
Ito’y matapos sumampa sa $97.87/barel, ang presyo ng Dubai Crude oil, noong March 1 hanggang March 10, 2026, base sa datos na inilabas ni DOE-Oil Industry Management Bureau Asec. Rodela Romero.
Ayon kay Romero, agad namang makakapag-issue ng certification ang ahensya, batay sa hihilingin ng partner agencies nito.
Sa panig naman ng LTFRB, nilinaw nito na sa oras na makapaglabas ng certification ang energy department, kaya nang mai-downlaod ang pondo para sa subsidiya sa transportation sector, sa loob ng 2 hanggang 3 araw.
Ayon naman sa transport group na Manibela, malaki na ang halaga o nasa P400 ang natatapyas sa kanilang arawang kita, dahil sa malawakang oil price hike.
Pinapaspas ngayon ng komite ang agarang pag-roll out ng fuel subsidy sa transport sektor, at iba pang mga mamamayan na apektado ng lumolobong presyo ng oil propducts, bungsod ng sigalot sa Middle East. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
