MAYOR VICO, SINAMPAHAN NG KASONG DISKUWALIPIKASYON DAHIL SA PAMAMAHAGI NG ALLOWANCE NG ESTUDYANTE

Ginanap ang isang press conference na pinangunahan nina Atty. Ferdinand Topacio at Victor H. Baral sa Calle Preciosa, Pasig City, nitong Sabado, Mayo 10, 2025.

Isang kasong diskuwalipikasyon ang isinampa laban kay Mayor Vico Sotto ng isang pribadong indibidwal sa Commission on Elections (Comelec), kaugnay ng umano’y vote buying sa pamamagitan ng pamamahagi ng scholarship allowance sa mga estudyante.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, hindi siya kailanman nasangkot sa sinumang pulitiko sa alinmang halalan. Binanggit din niya na mali umano si Daryl Yap sa pagsira sa isang kandidato sa pamamagitan ng pagpapalabas ng pelikula tungkol sa Pepsi Paloma rape case.

Si Topacio ang pambansang tagapangulo ng Citizens Crime Watch (CCW), na kamakailan lang ay nagdiwang ng ika-32 anibersaryo. Giit niya, wala siyang relasyon sa sinumang pulitiko sa Pasig City, at ang lahat ng mga kabanata ng CCW ay hindi nag-eendorso ng kahit sinong kandidato.

Si Victor Baral, ang nagrereklamo, ay saksi umano sa pamimigay ng scholarship allowance noong Mayo 7, 2025 sa Tanghalang Pasigueño. Dati siyang empleyado ng Pasig City Hall ngunit nagbitiw noong Pebrero 2024.

Ayon kay Atty. Topacio, “Pamimigay ng pera within the election ban simula nang ipatupad ng Comelec ang 10-day ban.” Dagdag niya, “May mga bagay na direkta o hindi direktang nakakaimpluwensya sa boto, gaya ng pamimigay ng pera, pag-hire o pag-transfer ng empleyado, o kahit ang pagpapakain.”

Nilinaw niyang ang mga ayuda gaya ng burial at medical assistance ay saklaw ng exemption dahil hindi ito planado. Subalit hindi raw kasama sa exemption ang pamimigay ng student scholarship allowance ng lokal na pamahalaan na na-delay at ipinamigay bilang lump sum sa loob ng 10-day election ban.

“Bakit lump sum ito ibinigay sa loob ng 10 araw? Oo, namigay ng allowance, at sa ilalim ng batas, maaari itong makaimpluwensya, direkta man o hindi,” ani Topacio.

Dagdag niya, “Hindi ko sinasabing guilty na si Mayor Vico. May karapatan siya sa due process. Ihain na lang ang reklamo sa Comelec.” Ayon kay Topacio, natanggap ng Comelec ang reklamo noong Mayo 9, 2025.

Bilang miyembro ng CCW, nalaman daw ni Baral sa Facebook na may pamimigay ng school allowance, kaya nagtungo siya sa lugar para obserbahan ang aktibidad. Aniya, may mga anunsyo at litrato ng tatlong estudyanteng tumanggap ng PhP 7,500, at iba pa.

Ani Baral, ang paglalabas ng pondo ay ginawa sa loob ng 10-araw na election ban, kahit pa ito’y dapat ay naibigay noong Enero 2025 pa.

Giit ni Atty. Topacio, ito ay isang kasong administratibo ng disqualification, at hindi pa paglabag sa Omnibus Election Code.

Bilang isang ordinaryong mamamayan, sinabi ni Baral na sinuportahan niya si Sarah Discaya. Ngunit bilang miyembro ng CCW, nakita niyang may nilabag sa 10-day total ban hinggil sa pamamahagi ng student allowance sa lump sum na halaga.

Binigyang-diin ni Atty. Topacio na ang pagiging tagasuporta ni Baral ni Sarah Discaya ay hindi nakakaapekto sa katotohanan at sa batas. Dagdag pa niya, siya ay isang mamamahayag sa loob ng 20 taon at kasalukuyang direktor ng National Press Club.

Tiniyak din niya kay Baral na wala itong dapat ikatakot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *