Mayon Volcano nagbuga ng panandaliang lava ngayong Martes – Phivolcs


Nagbuga ng lava ang Bulkang Mayon sa Albay, Bicol ngayong madaling-araw ng Martes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Ayon sa ahensya, panandalian lamang ang pagbuga ng lava at tumagal lang ng humigit-kumulang 35 segundo, base sa mga rekord mula sa Mayon Volcano Observatory at Mayon Resthouse Station. Umabot sa tinatayang 100 metro ang taas ng lava mula sa bunganga ng bulkan.


Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon, na nangangahulugang may banta pa rin ng pyroclastic density currents, pag-agos ng lava, pagbagsak ng bato, at iba pang aktibidad ng bulkan. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone.


Ayon kay Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, hindi pa ito dahilan upang magtaas ng alert level. Aniya, saka lamang ikokonsidera ang pag-akyat sa Alert Level 4 kung ang pagbuga ng lava ay magtatagal ng ilang minuto hanggang sa ilang oras, mas lalong tataas ang naaabot nito, at kung may kasabay na paglala ng iba pang senyales ng aktibidad ng bulkan. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *