Mas mataas na buwis, aarangkada na?

Simula ngayong Hulyo, may bagong hamon na kinakaharap ang mga nag-iimpok sa bangko, mas mataas na buwis ang ikakaltas sa kanilang mga kinikita mula sa savings at time deposits, ayon sa mga pangunahing bangko sa bansa.

Ito ay matapos ang pagpapatupad ng Republic Act 12214 o Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), na layong gawing mas patas at mas simple ang sistema ng pagbubuwis sa mga kita mula sa mga financial investments. Ngunit sa ilalim ng bagong batas, wala nang ligtas sa buwis kahit ang matagal nang paraan ng pag-iimpok gaya ng time deposit.

Kinumpirma ng Metrobank, UnionBank, at Security Bank na lahat ng interes mula sa peso at dollar deposits—kasama na ang long-term time deposits—ay papatawan na ng 20% final withholding tax. Dati, libre sa buwis ang mga deposito na lampas sa limang taon, pero ngayon ay wala nang exemption. Maging ang foreign currency accounts na dating may 15% tax, itinaas na rin sa 20%.

Ayon sa UnionBank, ang dating paiba-ibang buwis batay sa tagal ng deposito ay papalitan na ng flat 20% tax. Gayunman, nilinaw ng mga bangko na ang mga deposito bago ang Hulyo 1 ay mananatili sa lumang sistema ng buwis hanggang sa maturity date. Ang mga account na may valid tax exemption mula sa BIR ay hindi rin maaapektuhan.

Paliwanag ng Metrobank, layunin ng batas na gawing mas predictable ang tax system para sa mga indibidwal at institutional investors. Sa ganitong paraan, mas madaling makakagawa ng financial decisions ang mga mamumuhunan.

Tinawag naman ng Security Bank ang CMEPA bilang isang hakbang patungo sa patas at modernong pagbubuwis na kaayon ng mga pandaigdigang pamantayan. Bagamat masakit sa bulsa para sa ilan, ang repormang ito ay nakikita bilang mahalagang bahagi ng mas malawak na layunin ng gobyerno na paunlarin ang merkado ng kapital.

Sa huli, nananatiling hamon sa mga Pilipino kung paano makapag-iimpok at mamumuhunan nang epektibo sa kabila ng bagong buwis. Ngunit para sa mga pamilyar sa galaw ng ekonomiya, ang pagiging “informed investor” ang susi sa pananatiling ahead sa bagong takbo ng pananalapi. | via Ghazi Sarip | Photo via BSP

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *