Nanawagan ang ilang senador na higpitan ang pagpapatupad ng Anti-Hazing Act of 2018 matapos ang pagkasawi ng isang maritime student sa Cavite dahil umano sa hazing.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, dapat paigtingin ng mga paaralan ang pagbabantay sa mga initiation activities dahil paulit-ulit na lamang nangyayari ang ganitong insidente.
Kinondena naman ni Sen. Joel Villanueva ang insidente at nanawagan sa mga awtoridad na tugisin ang lahat ng sangkot. Aniya, hindi kailanman kukunsintihin ng lipunan ang hazing lalo na kung buhay ng kabataan ang kapalit.
Nanawagan din si Sen. Sherwin Gatchalian sa pulisya na panagutin ang mga may kinalaman sa insidente.
Samantala, ipnaabot naman ni Sen. Jinggoy Estrada sa pamilya ng biktima ang kaniyang pakikiramay. Aniya, walang puwang ang karahasan sa anumang organisasyong nagsasabing nagtataguyod ng brotherhood.
Kinilala ang biktima na si Mark Kenneth Alcedo, isang freshman ng Philippine Nautical and Technological Colleges, na nasawi noong Linggo matapos umanong sumailalim sa fraternity initiation sa Dasmariñas, Cavite. Tinutugis na ng pulisya ang hindi bababa sa 15 suspek na sinasabing sangkot sa krimen. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
