Marcos-Zelensky phone call: Patunay ng pinalakas na PH-Ukraine ties

Nag-usap sa telepono sina Pangulong Bongbong Marcos at Ukrainian President Volodymyr Zelensky ngayong Biyernes para mas palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Ukraine, sa kabila yan ng paghahanda ng Pilipinas na pamunuan ang ASEAN sa 2026.

Ayon kay Marcos, muling pinagtibay ng phone call ang “mainit na relasyon” ng dalawang bansa.

Tinalakay nila ang kooperasyon sa seguridad, agrikultura, at digitalization. Kasama rin sa usapan ang pagpapaigting ng ugnayan ng ASEAN at Ukraine.

Para sa Ukraine, mahalaga ang mas malalim na koneksyon sa ASEAN upang mapalawak ang diplomatikong suporta, lalo na habang nagpapatuloy ang Russia-Ukraine conflict.

Nagpahatid din si Zelensky ng pakikiramay kay Marcos para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo at ibinahagi ang pag-usad ng kanilang “joint work” kasama ang U.S. at iba pang bansa para sa mas matatag na kapayapaan.

Binanggit din ni Zelensky ang interes ng Pilipinas sa teknolohiya at kaalamang kayang ibigay ng Ukraine — kabilang ang posibilidad ng co-production ng naval drones, na nakikita bilang isang game-changer sa depensa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nagkasundo ang dalawang lider na tutukan ng kanilang mga team ang mga detalye sa lalong madaling panahon, kabilang ang isang memorandum of understanding para sa defense cooperation at paggawa ng drones.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *