Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kauna-unahang grid-connected, utility-scale solar rooftop project sa bansa na itinayo sa loob mismo ng isang socialized housing community sa Cavite ang 6.55 MWp Ning*Ning Solar Rooftop Power Facility sa Pasinayan Homes Prime Central.
Ginamit ang bubong ng 1,986 bahay, tig-anim na solar panels bawat isa, para makalikha ng kuryente. May net export capacity na 4.95 MWac ito o humigit-kumulang 9,182 MWh kada taon, sapat para magpa-ilaw sa higit 7,900 kabahayan, at diretso itong ipinapasok sa MERALCO grid.
Ayon kay Marcos, malaking tulong din ito sa kalikasan dahil nakababawas ito ng 6,233 metric tons ng CO₂ bawat taon “parang nag-alis ng 1,000 sasakyan sa kalsada,” aniya.
Dahil rooftop-based, hindi rin kailangan mag-convert ng agricultural land.
Kinilala na sa abroad ang proyekto, nagwagi ng gold sa ESG Integration Excellence at silver sa Sustainable Renewable Energy Initiative sa 2025 Asian Power Awards.
Tugma ito sa mga target ng DOE para pataasin ang renewable share ng bansa 35% pagsapit ng 2030 at 50% pagdating ng 2040.
Para kay Marcos, ito ang klaseng “creative at innovative solutions” na kailangan habang humaharap ang bansa sa climate risks.
Bukod sa kuryente, may community programs ang Joy~Nostalg Foundation tulad ng roof maintenance, street lighting, waste management, shared solar facilities, at training para sa mga residente.
Sinabi ng Pangulo na maaaring gawing blueprint ang Cavite project para sa mga susunod na solar installations, at nangakong paiigtingin pa ng gobyerno ang proseso para mas marami pang renewable energy investments sa bansa. | via Allan Ortega
