Dalawang pampublikong sementeryo sa Maynila, ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ay naglunsad ng online search platforms para madaling mahanap ng publiko ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa website ng North Cemetery (www.manilanorthcemetery.ph), makikita ang pangalan, petsa ng kamatayan, at lokasyon ng puntod, habang sa South Cemetery (www.manilasouthcemetery.com), makikita naman ang “Grave List” ng mga nakalibing. Patuloy pa ring ina-update ang kanilang database.
Inatasan naman ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga tauhan ng lungsod na manatiling alerto at tumulong sa crowd control, seguridad, at public assistance ngayong Undas 2025.
Samantala, nagpaalala ang NCRPO sa publiko na iwasan ang real-time posts sa social media habang wala sa bahay para makaiwas sa magnanakaw.
Aabot sa 8,500 pulis at 2,600 barangay watchers ang ide-deploy sa Metro Manila, habang 30,000 PNP personnel naman ang ipapakalat sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Para sa mga motorista, muling inilunsad ng Metro Pacific Tollways Corp. ang “Biyaheng Arangkada” program sa mga expressway.
Magkakaroon ng libreng towing para sa maliliit na sasakyan at suspensyon ng roadworks mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.
Maynilad at Smart naman ay magbibigay ng libreng tubig, WiFi, at charging stations sa piling lugar.
Handang-handa ang Maynila at mga ahensya ng gobyerno para tiyaking ligtas, maayos, at mapayapa ang paggunita ng Undas 2025. | via Allan Ortega
