Kahit sa isang linggo pa itinakda ng MANIBELA ang tatlong araw na nationwide transport strike nito, naglunsad na ng kilos-protesta ang grupo ngayong araw, December 5 sa Metro Manila.
Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, nais nilang agad mabigyang pansin ang umano’y garapalang pangha-harass at pangingikil ng mga traffic enforcer sa mga PUV driver.
Matapos payagan ng Department of Transportation (DOTr) na pumasada sa parehong ruta ang mga unconsolidated jeepneys, mayroon pa rin kasi umanong nanghuhuli at nagpapataw ng multang aabot sa P12,000, suspension, at demerit points na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga driver.
Bukod dito, inirereklamo rin ng grupo ang mabagal na paglalabas ng Land Transportation Office (LTO) ng rehistro ng mga sasakyan kahit bayad na ito.
Kasunod nito, binigyan ni DOTr acting Secretary Giovanni Lopez ng hanggang December 8 para ayusin ang mga isyu tungkol sa jeepney registration.
Nakatakda ang nationwide protest rally ng MANIBELA mula December 9 hanggang December 11. | via Alegria Galimba
