Manibela, pinutol ang 3-day transport strike matapos ang dayalogo

Idineklarang matagumpay ng grupong Manibela ang kanilang transport strike matapos mangako ang mga ahensiya ng pamahalaan na aaksyunan ang mga reklamo ng sektor.

Magtatagal sana nang tatlong araw ang transport strike simula Martes bilang protesta sa mga isyu sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program at sa pagkaantala ng kanilang registration documents.

Pero inihinto umano nila ang kilos-protesta ngayong Huwebes matapos ang naging matagumpay na pakikipag-diyalogo sa Department of Transportation, Land Transportation Office, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ipinahayag ni Manibela Chairperson Mar Valbuena na pumayag ang mga opisyal na ilalabas nila ang mga jeepney, plaka, at lisensya ng mga apektadong driver at operator. Nangako rin ang mga ito na palalawigin ang provisional authority at ang vehicle registration sa LTO.

Tiniyak din ng mga ahensiya na iimbestigahan ang umano’y bentahan ng provisional authority sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) applicant at iba pang iregularidad.

Ayon kay Valbuena, pansamantala nilang tinapos ang strike pero mino-monitor ng grupo kung tutuparin ng pamahalaan ang kanilang mga pangako. | via Andrea Matias

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *