Magsasagawa ang transport group na Manibela ng tatlong-araw na transport strike simula Disyembre 9, bilang protesta sa umano’y pangha-harass at pangingikil ng mga traffic enforcer sa mga PUV driver.
Ayon kay Manibela president Mar Valbuena, nationwide ang strike at maaari pa itong ma-extend depende sa magiging takbo ng mga usapin.
Giit niya, dumarami ang indiscriminate apprehensions at lagayan system sa kalsada, pati na ang pressure sa mga unconsolidated jeepney na kumuha ng provisional authority.
Bagama’t inanunsyo ng Department of Transportation na papayagan muling pumasada sa parehong ruta ang unconsolidated jeepneys, sinabi ni Valbuena na patuloy pa rin ang higit 12,000 pesos na multa, kasama ang suspension at demerit points na banta sa kabuhayan ng mga tsuper.
Ikinagalit din ng grupo ang mabagal na pag-release ng rehistro ng sasakyan kahit bayad na ang mga kaukulang fees. | via Allan Ortega
