Binati ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang makabayang hakbang sa pakikipag-alyansa sa mas maraming bansa para sa depensa ng Pilipinas.
Ayon kay Rodriguez, tamang direksyon ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Germany sa defense cooperation, na nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at German Defense Minister Boris Pistorius sa UN Peacekeeping Ministerial Meeting sa Berlin.
Hinimok pa ni Rodriguez si PBBM na makipagkasundo rin sa iba pang bansa para mapatatag ang paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea at mapalakas ang suporta laban sa agresyon ng China.
Dagdag niya, ang ganitong kasunduan ay patunay na kinikilala ng ibang bansa ang 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas at nagpapawalang-bisa sa malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea.
Pinuri rin ni Rodriguez ang pagiging matatag ni Marcos sa pagprotekta sa interes ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Sakop ng kasunduan sa Germany ang cybersecurity, armas, logistics, at UN peacekeeping.
Nauna nang lumagda ang Pilipinas ng kasunduan sa New Zealand at inaasahang susunod ang Canada. Nagsimula na rin ang negosasyon sa France para sa visiting forces agreement.
Katatapos lang din ng Balikatan military exercises kasama ang US at Japan sa Northern Luzon patunay na pinapalakas ng bansa ang ugnayang militar sa gitna ng tensyon sa rehiyon. | via Allan Ortega | Photo via DND
#D8TVNews #D8TV