Malawakang transport holiday, ikinasa sa gitna ng taas-presyo ng langis

Matapos ang dalawang araw na transport strike, nagsagawa ang iba’t ibang transport group ng mas malawak na hakbangin, iyan ang “transport holiday” ngayong Lunes, March 23.


Bilang panawagan nga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglatag ng konkretong solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, nagsagawa ng Transport Holiday ang ilang grupo sa pangunguna ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).


Tinatayang nasa 20,000 modern at tradisyunal na jeepney ang nakiisa sa buong bansa, sa tinawag na transport holiday ngayong lunes.

Kabilang din sa nanguna ang National Federation of Transport Cooperatives (NFTC), na kumakatawan sa 86% o mahigit 165,000 public utility vehicles (PUVs) na kabilang sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Ayon kay ACTO national president Libay de Luna, hindi na kayang ipagpatuloy ng mga driver ang kanilang operasyon dahil sa mataas na gastos sa krudo, kaya’t niya, boluntaryo silang nakiisa sa transport holiday.

Sumali rin sa tigil-pasada ang ilang grupo mula sa Western Visayas at Northern Mindanao na pansamantalang huminto sa operasyon.

Batay sa mga ulat mula sa industriya, inaasahang tataas pa ang presyo ng diesel ng P16 hanggang P18 kada litro at gasolina ng P9 hanggang P11, na posibleng magtulak sa diesel na lumagpas sa P120 kada litro sa ilang gasolinahan.

Dahil dito, marami sa mga driver ang nagsabing malaki ang ibinaba ng kanilang kita. May ilang jeepney driver na nagsabing masuwerte na kung kumita ng P300 sa isang araw, habang ang ibang tricycle driver ay kinakailangang magtrabaho nang halos 24 oras para lamang makauwi ng humigit-kumulang P500 para sa kanilang pamilya.

Nanawagan ang mga nagprotesta ng agarang tulong mula sa pamahalaan, kabilang ang financial assistance at iba pang relief measures, lalo na para sa mga hirap magbayad ng hulog sa modern jeepney units. Hinihiling din nila sa mga bangko ang pansamantalang paghinto ng paniningil o loan moratorium.


Bukod sa transport holiday na ito, nakaamba na ang isa pang tigil-pasada sa darating na Huwbes at Biyernes, na pangungunahan naman ng transport group na Manibela. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *