Malalaking infra projects, tuloy kahit tumaas ang presyo ng langis

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon, na tuloy-tuloy ang malalaking infrastructure projects ng pamahalaan kahit may big-time oil price hikes dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Dizon, may nakapaloob na mga probisyon sa kontrata ng mga proyekto na maaaring gamitin sakaling tumaas ang presyo ng construction materials dahil sa mahal na langis. Kabilang dito ang variation at price escalation provisions upang matugunan ang dagdag na gastos sa mga proyekto.

Dagdag pa ng kalihim, patuloy ding ipinatutupad ang iba pang proyekto ng pamahalaan, kabilang ang mga inisyatiba ng Department of Transportation.

Samantala, sinabi naman ni Transportation Sec. Giovanni Lopez, na maaari ring humiling ng karagdagang bayad ang mga contractor mula sa pamahalaan kung mapapatunayang tumaas ang kanilang gastos dahil sa kasalukuyang krisis.

Ginawa ng dalawang opisyal ang pahayag matapos inspeksyunin ang bahagi ng Skyway Stage 3 sa Maynila.

Sa hiwalay na usapin, pinawi din ni Dizon ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng awarding ng mga bagong proyekto kasunod ng kontrobersiya sa flood control projects.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala si Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Finance Committee, sa umano’y mabagal na bidding para sa ilang infra projects sa ilalim ng 2026 national budget. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *