Sumampa na sa 439 ang kabuuang reklamo ng vote buying at abuso sa pondo ng gobyerno bago ang halalan sa Mayo 12, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Commissioner Ernesto Maceda ng Kontra-Bigay committee, 268 ang reklamo ng vote buying, 130 ang may kinalaman sa pang-aabuso ng state resources o ASR, habang 41 naman ang kombinasyon ng dalawa.
Kabilang sa mga karaniwang reklamo ay pamimigay ng pera, ayuda, at anumang may halaga—pati social assistance, ginagamit daw sa pangangampanya!
“Malapit na tayong umabot sa 450 reports,” ani Maceda. Tinitingnan na raw kung may sapat na basehan para sa kaso o disqualification.
Ayon naman kay Comelec Chair George Garcia, handa silang i-hold ang proklamasyon ng mga kandidatong may kinahaharap na reklamo—basta’t may matibay na ebidensya at hindi tsismis lang.
“Hindi natin pwedeng basta i-disqualify lahat. Kailangan isaalang-alang din ang boses ng taumbayan,” dagdag pa ni Garcia. | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV