Mahigit 200 SHS graduates, “hired on the spot” sa DepEd Job Fair

Umaabot sa 241 senior high school graduates, at Alternative Learning System (ALS) learners, ang agad na natanggap sa trabaho sa isinagawang job fairs ng Department of Education (DepEd), bilang bahagi ng programang tumutulong sa kanilang pagpasok sa workforce.

Isinagawa ang hiring sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, isang inter-agency initiative na naglalapit ng mga employer at government services sa mga magtatapos na estudyante.

Naitala ang mga hiring sa mga pilot site sa Sorsogon; Talisay City, at Panabo City kung saan sa kabuuan, umabot sa 1,747 jobseekers ang dumalo, at mahigit kalahati ng mga kwalipikadong aplikante ay nabigyan ng trabaho.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng programa na masigurong hindi lamang diploma ang bitbit ng mga graduates kundi pati oportunidad sa agarang trabaho.

Bukod sa job matching, nagbigay rin ng libreng pagproseso ng pre-employment requirements alinsunod sa Republic Act No. 11261, kabilang ang PSA birth certificates, NBI at police clearances.

Tinatayang nakatipid ang mga aplikante ng ₱740 hanggang ₱820 sa bayarin, bukod pa sa oras at pamasahe.

Ipinatupad din ang programa sa Metro Manila, kabilang ang Makati, Mandaluyong, at Caloocan, kung saan pinagsama-sama sa iisang venue ang job application at pagproseso ng mga dokumento. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *