Mahigit ₱40.8-M halaga ng shabu, nasamsam sa NAIA Terminal 3; dayuhan, naaresto

Inaresto ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang dayuhang pasahero at nasamsam ang mahigit anim na kilo ng hinihinalang shabu sa isang operasyon sa NAIA Terminal 3 nitong Enero 26, 2026 bandang alas-10:45 ng umaga.

Ang suspek, na kinilalang may alyas na “Ralph,” ay isang 64-anyos na South African na naharang pagdating niya sa bansa.

Natagpuan sa kanyang itim na backpack ang ilegal na droga na itinago sa loob ng improvised na kahong kahoy at mga plastik na balot ng duct tape at carbon paper.

Aabot sa 6,006 gramo ng puting mala-kristal na substance na pinaniniwalaang Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang nasamsam, na may tinatayang halaga na mahigit ₱40.8 milyon.

Pinangunahan ang operasyon ng NAIA-IADITG katuwang ang PDEA, Bureau of Customs, PNP Aviation Security Group, Airport Police, NBI, at Bureau of Immigration. Bukod sa droga, nasamsam din ang mga dokumento sa biyahe, ID, cellphone, personal na gamit, at dayuhang pera.

Nasa kustodiya na ang suspek at haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isusumite ang droga sa PDEA Laboratory para sa kumpirmasyon habang isinasagawa ang kaukulang imbestigasyon. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *