Hindi pababayaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang nasa 11,000 botante sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao na hindi nakaboto noong eleksyon! Ayon kay Comelec Chair George Garcia, itutuloy ang botohan sa hindi bababa sa 12 presinto ngayong Martes.
“Kahit kaunti lang sila, karapatan pa rin nilang bumoto,” giit ni Garcia. Dagdag pa niya, kahit hindi makaapekto ang boto sa national o local results, importante pa ring marinig ang boses ng bawat isa.
Nagsimula ang botohan nitong Lunes ng alas-10 ng umaga – may 5 oras na delay dahil sa pagharang umano ng mga taga-suporta ng United Bangsamoro Justice Party sa election materials. Ayon sa election supervisor na si Mohammad Mutia, kinailangan pang palitan ang mga guro ng pulis bilang electoral board bago nakalusot ang mga military vehicle sa munisipyo.
Target ng Comelec na matapos ang special voting bago mag-10 ng gabi ngayong Martes. “Buong araw man ‘yan, basta makaboto ang lahat, ayos na tayo,” dagdag pa ni Garcia. | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV