LPA sa bansa, posibleng maging bagyo

Binabantayan ngayon ng PAGASA ang isang low-pressure area (LPA) na nasa 360 kilometro hilaga-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, na posibleng maging Bagyong Salome sa loob ng 24 oras.


May posibilidad na tumama sa Batanes ang LPA ngayong gabi o bukas ng umaga.

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Loriedin De La Cruz-Galicia, patungong timog-kanluran ang galaw nito, ngunit may “mataas na antas ng hindi tiyak na direksyon” dahil sa malakas na hanging amihan.


Sa ngayon, wala pa itong direktang epekto sa bansa, pero nakararanas na ang Batanes ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pag-ambon.


Sa ibang bahagi ng bansa, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang nagdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog sa Mindanao, Southern Leyte, Cebu, Bohol, at Siquijor.

Binalaan ng PAGASA ang posibilidad ng flash flood at landslide kapag bumuhos nang malakas.


Apektado rin ng easterlies ang Bicol Region, Eastern Visayas, Aurora, at Quezon, na posibleng makaranas ng biglaang malalakas na ulan at pagkulog.


Nagbabala rin ang PAGASA ng maalong dagat sa extreme Northern Luzon, kung saan posibleng umabot sa 4 metro ang taas ng alon. Katamtaman hanggang maalon naman sa natitirang bahagi ng Hilagang Luzon.


Samantala, makakaranas ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panandaliang ulan o pagkulog. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *