May mataas na tsansa na maging bagyo sa loob ng susunod na 24 oras ang low pressure area (LPA) na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Ito ay namataan 1,370 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao at inaasahang papasok sa PAR ngayong araw.
Kapag tuluyang naging bagyo, papangalanan itong Basyang. Posible itong makaapekto sa Visayas at Mindanao, ayon sa PAGASA.
Samantala, magpapatuloy ang maulan na panahon sa malaking bahagi ng bansa dahil sa shear line. Inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at mga thunderstorm sa Visayas, Caraga, Davao Region, at Misamis Oriental.
Ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga lugar na ito ay maaaring magdulot ng flash flood at landslide.
Dahil naman sa amihan, makararanas ng mahinang ulan ang Batanes at Babuyan Islands, habang paminsan-minsang ambon ang mararanasan sa iba pang bahagi ng Luzon.
Sa natitirang bahagi ng Mindanao, posibleng magkaroon ng panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Magiging katamtaman hanggang malakas ang hangin at katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central at Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa ibang lugar, banayad hanggang katamtaman ang hangin at bahagya hanggang katamtaman ang alon, ayon sa PAGASA. | via Allan Ortega
