Liloan LGU, ipinag-utos ang preemptive evacuation habang papalapit ang #VerbenaPH

Matapos ang matinding pagbaha na naranasan noong nanalasa ang Bagyong Tino noong Nobyembre 4, agad na nagpatupad ng preemptive evacuation ang pamahalaang lokal ng Liloan para sa mga nakatira sa mabababang lugar at malapit sa mga ilog, lalo na ngayong may banta ang Tropical Depression Verbena.


Simula ngayong Lunes, inilikas ang mga residente sa paligid ng Cotcot River papunta sa Liloan Central School sa Brgy. Poblacion.

Umabot na sa 137 katao, kabilang ang mga bata ang nailipat sa ligtas na lugar.

Nag-ikot din ang emergency responders sa mga subdivision sa kahabaan ng ilog upang abisuhan ang mga residente sa posibleng pagtaas ng tubig.


Matatandaang higit 100 katao ang nasawi sa Cebu dahil sa Bagyong Tino, kabilang ang 35 mula sa Liloan, karamihan ay inanod nang umapaw ang Cotcot River. Isa ang Liloan at kalapit na Consolacion sa pinakamalubhang tinamaan ng pagbaha.


Nagsimula na ring lumikas ang mga residente sa Brgys. Calero, Yati, Labatan, San Vicente, at Cabadiangan.
• Sa Calero, dinala ang evacuees sa Calero Integrated School.
• Sa Yati, sa Yati Elementary School.
• Sa Labatan, sa lumang barangay hall o ikalawang palapag ng Labatan National High School.
• Sa Cabadiangan, tinukoy ang E. Veloso Elementary School at Kasantos Day Care Center.


Nagpayo ang mga opisyal ng Yati at iba pang barangay na ang mga nakatira sa creekside, lowlands, at dating binaha noong bagyong Tino ay agad na lumikas para sa kaligtasan.


Ayon sa LGU, mababa pa ang water level sa Cotcot River nang tanghali ng Lunes at may pag-ulan-ulan na matapos ilagay ang Cebu sa Signal No. 1.

Gayunman, ayaw nilang magsapalaran at paalaala nila sa lahat, “Manatiling ligtas at mapagmatyag.” | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *