Inilunsad ng House of Representatives ang isang libreng sakay program para sa mga commuter na bumibiyahe mula San Jose del Monte, Bulacan hanggang Welcome Rotonda sa Quezon City, bilang bahagi ng pansamantalang tulong sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Tinawag itong “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso,” na pinangunahan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos.
Layunin ng programa na mabawasan ang gastusin ng mga manggagawa, estudyante, at iba pang araw-araw na commuter na apektado ng pagtaas ng pamasahe at presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Marcos, mahalagang maramdaman ng mamamayan ang agarang tugon ng pamahalaan lalo na sa gitna ng global na krisis na nakaaapekto sa presyo ng langis.
Sa ilalim ng programa, apat na bus mula sa Kamara ang bibiyahe tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes, simula March 26, sa oras ng rush hour.
Saklaw ng libreng sakay ang rutang San Jose del Monte hanggang Welcome Rotonda sa umaga, at magpapatuloy hanggang Fairview Terraces. Sa hapon at gabi, magbabalikan naman ang biyahe sa pagitan ng Welcome Rotonda at Fairview Terraces.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, hindi na kailangan ng special permit ang mga bus dahil ito ay pagmamay-ari ng gobyerno at walang sisingiling pamasahe sa mga pasahero.
Tatagal ang operasyon mula 5:30 hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 hanggang alas-7 ng gabi, na tumutugma sa oras ng dagsa ng mga pasahero.
Prayoridad sa programa ang mga manggagawa, estudyante, at iba pang low-income earners, habang bibigyan din ng prayoridad ang senior citizens, persons with disabilities, at mga buntis.
Ayon sa Kamara, pansamantala ang programa at mananatili habang mataas pa ang presyo ng langis at patuloy na nararamdaman ng publiko ang epekto nito. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
