Maaaring suspindihin o ihinto ang sahod ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa kanyang patuloy na pagliban sa mga sesyon ng Senado, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Ayon kay Lacson, tinalakay na nila ni Senate President Vicente Sotto III ang usapin, kasabay ng planong paghahain ng ethics complaint ni dating Senator Sonny Trillanes laban kay Dela Rosa.
Aniya, maaaring ipatupad ng Senado ang suspensyon ng sweldo kapag inirekomenda ito ng Ethics Committee at inaprubahan ng plenaryo.
Ngunit kailangan pa rin umanong pag-aralan ito nang mabuti dahil saklaw ng civil service law ang mga senador.
Dagdag pa ni Lacson, sa Marso inaasahang ihahain ni Trillanes ang reklamo dahil doon pa lamang aabot sa anim na buwan ang pagliban ni Dela Rosa mula noong November 11.
Aminado rin si Lacson na wala pang malinaw na patakaran ang Senado sa matagal na pagliban ng isang senador.
Nilinaw naman niyang hindi siya makikilahok sa anumang rekomendasyon ng sanction dahil minsan na rin siyang nalagay sa kaparehong sitwasyon noong 2010.
Matatandaang hindi dumadalo sa mga pagdinig o sesyon ng Senado si Dela Rosa makaraang lumabas ang ulat na may warrant of arrest ang International Criminal Court laban sa kanya kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan siya ang naging unang PNP chief at nagpatupad ng Oplan Tokhang. | via Ghazi Sarip
