Hinatulan ng Kuwaiti court ng 14 na taong pagkakakulong ang pangunahing suspek sa pagpatay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Dafnie Nacalaban.
Kinumpirma ito ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac nitong Martes.
Ayon kay Cacdac, tatlo pang kasabwat ang nahatulan bilang mga kakutsaba sa krimen.
Natagpuan ang bangkay ni Nacalaban sa bakuran ng kanyang amo sa Saad Al-Abdullah, Jahra noong December 31, 2024.
Nawawala siya mula October 2024 at kalauna’y natagpuang naaagnas.
Inamin ng suspek na isang Kuwaiti national na siya ang pumatay kay Nacalaban.
Naibalik sa Pilipinas ang labi ng biktima noong February 21, 2025.
Samantala, sinabi rin ni Cacdac na patuloy ang apela ng pamahalaan sa kaso ng isa pang OFW na hinatulan dahil sa pagkamatay ng anak ng kanyang amo. | via Andrea Matias
