Kumakalat na resulta ng medical tests ni PBBM sa social media, peke

Peke at gawa-gawa lamang ang kumakalat sa social media na resulta ng medical tests ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa inilabas na pahayag ng St. Luke’s Medical Center, palsipikado umano ang larawang kumakalat sa social media at lubos na pinangangalagaan nila ang data privacy ng kanilang mga pasyente.

Ayon sa Palasyo, hindi sumasalamin sa kalusugan ng Palasyo ang mga kumakalat ng medical test results.

Itinanggi rin nila na sasailalim sa isang operasyon ang Pangulo dahil sa kanyang sakit na diverticulitis, na karaniwan umano sa kanyang edad.

Giit pa ng Palasyo, kayang gampanan ni Pangulong Marcos ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad.

Sa hiwalay na post, ibinahagi ng Malacañang ang video kung saan makikita ang malakas na pangangatawan ng Pangulo, na nakikipaglaro sa kanyang alagang aso na si Oreo.

Ayon kay Pangulong Marcos, patuloy pa rin naman ang kanyang gamutan kahit na balik-trabaho na siya.

Sa katunayan, nakadalo na umano siya sa pagpupulong ng Economic and Development Council noong January 26.

Matatandaang isinailalim si Pangulong Marcos sa medical observation matapos ma-diagnose ng diverticulitis noong nakaraang linggo. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *