Khonghun, nagpasaring kay VP Duterte

‘Sana sa isyu ng China, palaban din kayo’ “Dapat pro-Pilipinas, hindi puwedeng selective ang tapang.”

Nanawagan si House Special Committee on Bases Conversion Chairman Jay Khonghun ng Zambales kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte at sa kanyang mga kaalyado na huwag manahimik sa patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng umano’y ilegal na paglalagay ng mga tauhan at bandila ng China sa Sandy Cay, isang bahagi ng karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Ayon kay Khonghun, nakakabigla ang pananahimik ni VP Duterte at ng ilang kandidato at kaalyado nito pagdating sa agresyon ng China, lalo pa’t madalas silang maingay sa mga usaping lokal at pulitika.

“Kapag ibang isyu, ang ingay ni VP, kanyang mga kandidato at kakampi. Pero ‘pag China na ang kalaban, bigla na lang silang nawawala. Parang nawawala rin ang paninindigan. Dapat pro-Pilipinas tayo. Hindi puwedeng selective ang tapang,” pahayag ni Khonghun.

Bilang mambabatas mula sa Zambales, isang lalawigang direktang naapektuhan ng sigalot sa West Philippine Sea, binigyang-diin ni Khonghun na nararapat lamang na ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay magsalita at manindigan laban sa pang-aabuso ng dayuhang pwersa.

“Kung kaya niyang ipaglaban ang sarili niya sa harap ng camera, dapat mas kaya niyang ipaglaban ang bayan sa harap ng China,” dagdag niya.

Binanggit din ni Khonghun ang resulta ng isang Social Weather Stations (SWS) survey kung saan lumalabas na 75% ng mga Pilipino ay pabor sa mga kandidatong handang ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

“Napakalinaw ng sinasabi ng taumbayan: gusto nila ng mga pinunong hindi natatakot sa China. Kaya kung patuloy ang pananahimik ni VP Duterte, dapat siyang tanungin kung nasaan ang loyalty niya: sa bayan ba o sa ibang bansa?” ani Khonghun.

Giit pa ng kongresista, hindi raw “neutrality” ang pananahimik, kundi maaaring pagsang-ayon sa panghihimasok ng China. Aniya, kung ang mga mangingisda sa Zambales ay kayang lumaban para sa kanilang kabuhayan, dapat mas kayang lumaban ng mga opisyal ng gobyerno para sa bayan.

“Sa issue ng China, mas matapang pa ang mga mangingisda kaysa kay VP. Hindi dapat ganun,” pagtatapos ni Khonghun.

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *