Kawalan ng House member endorser—ito lang ang nakikitang problema ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kung bakit hindi umuusad ang ilang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sagot ito ni Adiong sa mga alegasyon nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na may pumipigil umano sa proseso.
Payo ni Adiong, maghanap muna sila ng mag-eendorso ng kanilang reklamo laban sa Pangulo.
Hindi umano ito usapin ng merito ng reklamo kundi nang pagsunod sa mga kinakailangan ng Konstitusyon at ng Kamara.
Una nang nilinaw ni House Committee on Justice chair Gerville “Jinky” Luistro na ang mga impeachment complaint na inihahain ng mga pribadong indibidwal ay hindi ipapadala sa Office of the Speaker kung walang endorsement ng isang miyembro ng Kamara.
Sa dulo, hinimok ni Rep. Adiong, ang mga kritiko na itigil na ang aniya’y unnecessary noise kaugnay ng mga hakbang sa impeachment laban sa Pangulo. | via Judea Bernardo
