Nakontrol na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bakbakan sa Tipo-Tipo, Basilan na nagsimula dahil sa alitang pamilya o rido.
Ayon kay AFP public affairs chief Col. Xerxes Trinidad, namagitan na ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan para sa dayalogo at pagpa-payapa ng magkabilang panig.
Nilinaw ng AFP na hindi konektado ang labanan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), taliwas sa naunang ulat ng lokal na pamahalaan na nagsabing “under siege” ang bayan.
Bandang tanghali, kinumpirma ng militar at mga opisyal ng probinsya na ang bakbakan ay laban ng mga karibal na grupo sa lugar.
Nakadeploy na ang tropa ng militar upang tiyakin ang seguridad at tumulong sa mga pamilyang lumikas.
Ayon sa Western Mindanao Command, hindi nakalusob ang armadong grupo sa mga pasilidad ng pamahalaan gaya ng munisipyo. Patuloy namang nag-iingat ang mga sundalo upang hindi lumala ang sitwasyon.
Nanawagan ang AFP sa publiko na manatiling kalmado at suportahan ang prosesong pangkapayapaan sa Basilan.
Dagdag pa ng AFP, nananatili itong tapat sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa Basilan at sa buong Mindanao. | via Allan Ortega
