Ipinauubaya na ng Malacañang sa pamahalaan ng China ang desisyon kung papalitan nito ang Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan, sa gitna ng panawagan ng ilang senador na palitan na ito.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, nirerespeto ng pamahalaang Pilipino kung sino ang itinalaga ng Beijing bilang opisyal nito sa bansa.
Giit ni Castro, hindi sisimulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hakbang para humiling ng bagong Chinese ambassador, at nasa China na umano ang pagpapasya kung makikita nilang nagiging sanhi ito ng hindi pagkakaunawaan.
Dagdag pa ni Castro, normal lamang na magpahayag ng saloobin ang mga opisyal ng gobyerno, partikular ang mga mambabatas, dahil may kalayaan sila sa pagpapahayag at hindi sila maaaring diktahan ng Pangulo.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga ang paggamit ng diplomasya at paggalang sa isa’t isa sa gitna ng palitan ng pahayag ng magkabilang panig.
Nauna nang nanawagan ang ilang senador na palitan si Jing Quan kasunod ng tumitinding iringan sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy hingil sa West Philippine Sea. | via Judea Bernardo
