Kamara, ini-refer sa Justice Committee ang dalawang impeachment complaint laban kay PBBM

Pormal nang ini-refer ng Kamara sa House Committee on Justice ang dalawang beripikadong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos maisama ang mga ito sa additional reference of business ng plenaryo nitong Lunes ng gabi, January 26.

Pinangunahan ni Deputy Speaker Yevgeny Vicente “Bambi” Emano ng Misamis Oriental ang sesyon nang pormal na i-refer ang mga reklamo sa justice panel.

Ang unang impeachment complaint ay inihain noong January 19 ng abogadong si Andre De Jesus, at inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Representative Jernie Jett Nisay.

Samantala, ang ikalawang reklamo ay inihain noong January 26 ng grupo ng mga aktibista at pribadong indibidwal na pinangunahan nina Liza Largoza Maza, Teodoro Casiño, Renato Reyes Jr., Atty. Neri Colmenares, at labor leader na si Ronaldo “Ka Jerome” Adonis. Ang nasabing reklamo ay inendorso nina ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party-list Representative Sarah Jane Elago, at Kabataan Party-list Representative Renee Louise Co.

Matapos basahin sa plenaryo ang mga pamagat ng dalawang impeachment complaint, agad itong inirefer ng Kamara sa Committee on Justice, ang komiteng may mandato sa ilalim ng Konstitusyon at ng House rules na suriin ang sufficiency in form at sufficiency in substance ng mga reklamo.

Ang referral ay itinuturing na pormal na pagsisimula ng proseso sa Kamara.

Inaasahang susuriin ng Justice Committee kung tumutugon ang mga reklamo sa mga requisite ng Saligang Batas at sa internal rules ng House bago isagawa ang mga susunod na hakbang.

Binigyang-diin ng mga lider ng Kamara na ang referral ng impeachment complaints ay hindi nangangahulugang may desisyon na sa merito ng mga ito, kundi bahagi lamang ng itinakdang proseso ng batas. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *