Kamara ikinatuwa ang nalalapit na state visit ng Pangulo ng South Korea

Malugod na tinanggap ng House of Representatives ang nakatakdang state visit ni Lee Jae Myung, Pangulo ng Republic of Korea, sa Pilipinas mula Marso 3 hanggang 4, 2026.

Ayon sa Kamara, muling pinagtitibay ng pagbisita ang matatag na Strategic Partnership ng Pilipinas at South Korea, gayundin ang matagal nang pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa para sa kapayapaan, kaunlaran, at katatagan sa rehiyon.

Ito ang unang pagbisita ni Pangulong Lee sa Pilipinas mula nang manungkulan noong Hunyo 2025, at inaasahang magpapalalim pa ng kooperasyon sa larangan ng politika, ekonomiya, depensa, at people-to-people exchanges, lalo na’t ang Pilipinas ang nagsisilbing ASEAN Chair ngayong 2026.

Ayon naman kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, patunay ang pagbisita ng lakas at lalim ng ugnayan ng dalawang bansa,

Aniya, nakaugat ang relasyong ito sa dekada ng pagtutulungan, mula sa magkasamang sakripisyo sa kasaysayan hanggang sa lumalawak na kalakalan, modernisasyon ng depensa, at ugnayang pangkultura.

Binigyang-diin din ng Speaker na kapwa naninindigan ang Pilipinas at South Korea sa demokrasya, paggalang sa international law, at pagsusulong ng rules-based order, at umaasang higit pang mapapalawak ang kooperasyon sa trade, innovation, seguridad, imprastruktura, at palitan ng mamamayan.

Samantala, sinabi ni House Committee on Foreign Affairs Chairperson Maria Rachel Arenas na mahalaga ang pagbisita sa pagpapalakas ng parliamentary diplomacy at ng ugnayan ng ASEAN at South Korea.

Ayon kay Arenas, pagkakataon din ito upang palalimin ang kooperasyon sa maritime security, digital transformation, climate action, at economic development, kasabay ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *