Kabataan Party-list, nanawagan sa Kongreso na ipasa ang SOGIESC Equality Bill

Malugod na tinanggap ng Kabataan Party-list ang naging desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa karapatan ng mga same-sex couples na maging co-owners ng ari-arian sa ilalim ng Article 148 ng Family Code.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at Kabataan Party-list Representative Atty. Renee Co, ipinapakita ng naturang desisyon na may mga kakulangan pa rin ang umiiral na mga batas sa pag-angkop sa realidad ng makabagong lipunan na nagbubunga ng diskriminasyon.

Binigyang-diin ni Co na may hangganan ang kapangyarihan ng hudikatura, at kung nananatiling atrasado ang batas, nasa Kongreso ang pananagutang kumilos.

Kaugnay nito, nanawagan ang Kabataan Partylist sa agarang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill upang matiyak ang pantay-pantay na karapatan ng lahat na tumanda at mamuhay kasama ang kanilang mahal sa buhay, kabilang ang karapatan sa ari-arian at iba pang batayang karapatan.

Dagdag pa ni Co, hindi dapat ibihag ang susunod na henerasyon sa mga konserbatibong pananaw, at ang pagsasama at pagpapamilya ay dapat malayang pinipili at karapatan ng lahat, anuman ang kasarian. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *