Nanawagan ang Kabataan Party-list ng agarang pagpapalaya sa lahat ng inaresto sa isinagawang kilos-protesta kaugnay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Kinondena ng grupo ang umano’y police brutality at hindi makatarungang pag-aresto sa mga lumahok sa rally. Ayon sa kanila, ilan sa mga raliyista ang nasugatan dahil sa pagtulak gamit ang riot shields, habang dalawa ang inaresto, sina Edel Parducho, isang human rights activist, at Three Odena, isang youth activist.
Ayon sa partido, posibleng sampahan ng kasong direct assault, disobedience, resisting arrest, at paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act ang mga inaresto.
Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co na taliwas umano sa pahayag ng pulisya ang makikita sa mga video, kung saan makikitang tumutulong lamang bilang marshal si Parducho at kumukuha naman ng larawan si Odena bago arestuhin.
Iginiit din ng mambabatas na mula Mendiola hanggang EDSA, paulit-ulit umanong nakararanas ng brutalidad ang mga nagpoprotesta, sa halip na maprotektahan aiccng kanilang karapatan sa mapayapang pagtitipon.
Ayon pa kay Co, ang mga insidente ay patunay umano na nananatiling buhay ang legasiya ng diktadura at dahilan upang higit pang igiit ang diwa ng EDSA sa kasalukuyan.
Samantala, iginiit ng Kabataan Party-list na ang umano’y paggamit ng puwersa, paghihigpit sa mga permit, at pagharang sa mga nagmamartsa ay nagdulot lamang ng matinding trapiko at pinsala sa mga sibilyan.
Muli ring nanawagan ang grupo na papanagutin ang mga pulis at opisyal na sangkot sa umano’y paglabag sa karapatan sa mapayapang people’s assembly. | via Judea Bernardo, D8TV News
