Nilinaw ni Senator JV Ejercito na hindi pa makapagsasagawa ng pagpupulong o pagdinig ang Senate Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng mga nakabinbing reklamo dahil hindi pa umano ito ganap na nabubuo.
Ayon kay Ejercito na siyang chairman ng komite, hindi pa kumpleto ang opisyal na listahan ng mga miyembro kaya’t wala pa silang awtoridad na magdaos ng meeting o hearing.
Dagdag pa ng senador, naging abala rin ang Senado sa matagal na deliberasyon sa pambansang budget at sa Bicameral Conference Committee, kaya’t wala ring sapat na panahon para talakayin ang usapin sa plenaryo.
Aminado rin siyang nagkaroon siya ng problemang pangkalusugan noong Disyembre na nakaapekto sa kanyang mga gawain.
Gayunman, tiniyak ni Ejercito na agad kikilos ang Ethics Committee kapag ito’y nabuo na at bumalik na ang Senate Sessions.
Ang mga reklamo ay didinggin umano ayon sa pagkakasunod ng pagkakafile.
Hinggil naman sa pagkakasamang kanyang pangalan sa reklamo, iginiit ng senador na may karapatan ang bawat isa na magpahayag ng saloobin at magsampa ng reklamo alinsunod sa batas.
Aniya, ang pamahalaan ay pinatatakbo ng batas, kaya’t lahat ng proseso ay isasagawa ayon sa Senate rules, at paggalang sa due process. | via Ghazi Sarip
