“Big fish are coming soon.”
‘Yan ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla matapos maaresto ang walo sa 16 na akusado sa P289.5-million anomalous flood control project.
Ayon kay Remulla, sa normal na proseso ng batas, maaari nang sunod na maaresto sa loob ng limang linggo ang mag-asawang private contractor na Discaya, pati mga senador at kongresista na dawit sa kaso. Isa-isa umano silang i-a-arraign sa mga susunod na linggo.
Noong Biyernes, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. ang paglalabas ng arrest warrants laban sa 16 katao, kabilang si Zaldy Co, dating House appropriations chair at Ako Bicol representative.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang ilang opisyal ng DPWH Mimaropa at Sunwest Corporation, kumpanyang iniuugnay kay Co.
Mariing itinanggi ni Co ang mga paratang at binaliktad pa sina Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, na umano’y tumanggap ng kickbacks sa infrastructure projects.
Wala pang komentaryo ang Ombudsman sa reklamo ng plunder, graft, at bribery na inirekomenda laban kina Co at Romualdez.
Sinabi naman ni Remulla na wala pang ebidensya na kabilang si Romualdez sa tinutukoy niyang “big fish,” at naghihintay pa sila ng developments.
Inutos ng Sandiganbayan na ikulong sa New Quezon City Jail ang anim na lalaking kabilang sa mga naaresto. Tiniyak ni Remulla na walang special treatment ang sinuman sa kanila. | via Allan Ortega
