Isang sundalo, patay sa pagtugis ng mga suspek sa ambush ng Maguindanao mayor

Isang sundalo ang patay habang isa pa ang sugatan sa combat operations ng militar laban sa grupong Dawlah Islamiya, kaugnay sa ambush ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan Sr. noong Linggo, January 25.

Itinuturing kasing mga suspek ang mga miyembro ng teroristang grupo sa pananambnag kung saan nakaligtas si Ampatuan pero sugatan ang kanyang dalawang bodyguard.

Tatlo sa apat na suspek ang patay sa hot pursuit operations.

Ayon sa 6th Infantry Division, ang nasawing sundalo ay mula sa 90th Infantry Battalion, habang minor lamang ang tinamong sugat ng isa pang kawal.

Inilunsad ang operasyon matapos i-report ng mga residente ang presensya ng grupo sa kabundukan ng Maguindanao Del Sur.

Dahil sa bakbakan, 85 pamilya o 425 katao ang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Barangay Tuayan, kung saan binigyan sila ng emergency food ng lokal na pamahalaan.

Samantala, ipinakita ng pulisya at militar ang rocket-propelled grenade launcher na ginamit umano sa ambush na narekober sa joint operation sa Maguindanao del Sur.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *