Nadisgrasya ang isang driver ng motorsiklo ngayong Biyernes ng umaga sa Shaw blvd., Mandaluyong City matapos nitong bumangga sa isang sedan na papasok sa isang establisyemento.
Ayon sa pahayag ng motorcycle driver, nagmamaneho lamang siya papunta sa kanyang trabaho sa Wack-Wack nang biglang may bumulagang sasakyan, dahilan para siya ay bumangga at tumumba. Siya ay nagtamo ng mga gasgas at maliliit na sugat sa kanang braso.
Kinontra naman ito ng driver ng sedan at sinabing ang kanyang sasakyan ay nakatawid na mula sa kabilang lane nang biglang may bumangga sa gilid ng nguso ng kanyang kotse.
Ayon naman sa witness na si John Ray Mamaradlo, isang motorcycle rider na nasa likod ng naaksidente, nakatigil na raw umano ang mga sasakyan sa kanilang lane at hindi raw biglaan ang pagtawid ng sasakyan mula sa bike lane.
Agad namang rumesponde ang isang traffic enforcer sa lugar at nauwi na lamang sa maayos na usapan at settlement ang sitwasyon. | via Kai Diamante
