Isang colonel, 11 pang pulis na sangkot sa “welcoming rites,” kinasuhan na

Nasampahan na ng kaso ang labindalawang pulis, kabilang ang isang colonel, na sangkot sa pangmamaltrato sa mga bagong pulis na madedestino sa Regional Mobile Force Battalion sa Lamitan City, Basilan

Nahaharap ang mga pulis sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 matapos idaan sa hazing noong February 9 ang 129 na mga bagong recruit na pulis ng regional unit ng Bangsamoro.

Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Randulf Tuaño ang mga sangkot na 12 pulis ay may mga ranggong Colonel, Major, Corporal at Patrolman.

Sa kabuuan, 77 na ang sinibak sa pwesto habang 22 dito ay nasa restrictive custody ng pulisya.

Narekober din ng pulisya sa pinangyarihan ng hazing ang baseball bat at arnis na ginamit sa hazing.

Lumabas sa medical examination na 96 percent sa kanila ay may hematoma at concussion sa kanilang lower extremities habang 4 na porsyento naman ay may tama sa mukha.

Samantala, binigyang diin ni PNP Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na zero tolerance ang hanay ng Pambansang Pulisya sa anumang uri ng karahasan o hazing sa mga training at welcome rites ng mga bagong pulis.

Ayon kay Nartatez, maaaring maharap sa kasong kriminal at administratibo ang lahat ng mapapatunayang sangkot sa mga ganitong uri ng aktibidad. | via Allen Ibañez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *