Nakaranas ng ashfall ang ilang barangay nitong Lunes, February 2 habang nagpapatuloy ang effusive eruption ng Bulkang Mayon, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Ang abo na sinabayan ng ulan ay kumapal sa mga sasakyan at nagpababa ng visibility sa kalsada, kaya napilitang huminto o dahan-dahang bumiyahe ang mga motorista.
Apektado rin ang ilang sakahan.
Nagpaalala ang PHIVOLCS na delikado ang ashfall sa kalusugan ng tao at hayop, at maaari ring makasira ng eroplano, electronics, at makinarya.
Pinayuhan ang publiko na manatili sa loob ng bahay, magsuot ng face mask o basang tela sa ilong at bibig, at isara ang mga bintana at pinto. Kapag halos wala nang makita sa daan, dapat ligtas na tumabi ang mga motorista.
Ayon kay Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., tinamaan ng ashfall ang mga barangay na Quirangay, Sua, Tumpa, Libod at Anoling, pati ilang lugar sa poblacion.
Namahagi ng face masks at mahigpit na mino-monitor ang mga evacuee.
Tumulong din ang mga NGO sa pamamagitan ng mainit na pagkain at psychosocial activities.
May mga evacuee sa Malilipot na nagkasakit dahil sa pabago-bagong panahon matapos halos isang buwang pananatili sa evacuation centers.
Sa huling 24 oras, naitala ang 5 volcanic earthquakes, 30 pyroclastic density current events, at 315 rockfalls.
Nasa Alert Level 3 pa rin ang Mayon, na 27 araw nang patuloy ang pag-agos ng lava. | via Allan Ortega
