Isa, patay sa paglubog ng MV Theresa I sa Naga City, Cebu; iba pang crew members, niligtas

Patay nang natagpuan ang isang cement handler matapos tamaan ng naputol na mooring line matapos tumaob ang MV Theresa I sa Berth 1 ng APO Cement Port sa Naga City, Cebu noong Marso 11.

Ayon sa Coast Guard District Central Visayas, dinala ang biktima sa Vicente Mendiola Center for Health Infirmary ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Nailigtas naman ng Philippine Coast Guard ang isang crew member na na-trap sa loob ng barko matapos tumaob ang barko.

Nagaganap ang loading operations ng nang bigla itong tumagilid habang isinasagawa ang de-ballasting procedure na kalaunan ay nagresulta sa tuluyang pagtaob ng sasakyang pandagat.

Nag-deploy ang mga awtoridad ng Disaster Response Group at Marine Environmental Protection Emergency Response Team upang magsagawa ng rescue operations at magbigay ng agarang tulong.

Sa isinagawang operasyon, natukoy ng mga responder na may isang engine crew member na na-trap sa loob ng engine room.

Matapos ang masusing rescue operation, matagumpay na nailabas ang nasabing crew member at agad na binigyan ng paunang lunas.

Ligtas din ang kabuuang 19 na crew ng barko at nabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon.

Samantala, nag-deploy ang Coast Guard ng humigit-kumulang 100 meter oil spill boom upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng langis sa karagatan at patuloy na mino-monitor ang lugar para sa anumang senyales ng oil spill.

Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard ang patuloy nitong pagtutok sa maritime safety, mabilis na emergency response, at pangangalaga sa kapaligiran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *