Humiling ng karagdagang impormasyon ang International Crime Police Organization o Interpol mula sa National Bureau of Investigation o NBI hinggil sa puganteng si Zaldy Co.
Kinumpirma ni NBI spokesperson Palmer Mallari na dumaan ang kahilingan ng Interpol sa Philippine Center on Transnational Crimes.
Aniya, may palugit na hanggang February 11 ang NBI upang magsumite ng mga dokumentong kinakailangan bago ang desisyon ng Interpol kung ilalabas na ang red notice.
November 23, 2025 pa isinumite ng NBI sa Interpol ang request for red notice nito laban sa dating mambabatas na sangkot umano sa isang maanomalyang dike project sa Oriental Mindoro.
Makikipag-ugnayan naman ang NBI sa Office of the Ombudsman at sa Sandiganbayan upang makalikom ng mas kumpletong impormasyon na kailangan ng Interpol.
Suspetsa ng mga otoridad noon, sa Portugal nagtatago si Co. Pero lumilitaw sa mga dokumentong isinumite sa Korte Suprema ng dating kongresista, nasa Stockholm, Sweden ito, batay sa petisyong may lagda mismo ni Co.
