Inaresto ng NBI ang mga Tsino at Pilipino dahil sa pagiispiya

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal dahil sa paglabag sa Espionage Act, matapos ang pagkakadakip ng ilang Chinese at Pilipino noong nakaraang buwan dahil sa parehong aktibidad.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, isinagawa ang operasyon noong Pebrero 20 matapos makatanggap ng ulat mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa mga sasakyang may IMSI catchers—mga iligal na device na ginagamit sa paniniktik sa mahahalagang pasilidad ng militar at pulisya sa Metro Manila.
Na-monitor ng NBI Cybercrime Division at Special Task Force ang paggamit ng rogue base transceiver stations (BTS) na maaaring mag-intercept o mag-disrupt ng komunikasyon. Sa pagsisiyasat, nahuli ang tatlong Pilipino: Omar Khan Kashim Joveres, Leo Laraya Panti, at Mark Angelo Boholst Binza, na sinasabing inupahan ng isang Chinese na si Ni Qinhui upang magmaneho sa mga sensitibong lokasyon tulad ng Camp Aguinaldo, Malacañang, at US Embassy kapalit ng malaking bayad kada buwan.
Kasunod nito, nadakip din si Qinhui at kanyang kasabwat na si Zheng Wei sa Malate, Manila. Kusang isinuko ng asawa ni Qinhui ang mga espionage devices upang iwasan ang pagkakasangkot niya.
Ang lima ay sumailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice at mahaharap sa mabibigat na parusa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 at Espionage Law. – via Allan Ortega | Photo via bworldonline.com

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *