Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ang pagkakaaresto sa isang indibidwal na akusado sa tangkang pangingikil ng P320,000 kapalit ng pag-isyu ng permit sa Albay.
Ayon sa NBI, naaresto si “Julbie” sa pamamagitan ng entrapment operation noong Agosto 8 dahil sa umano’y partisipasyon sa scheme ng pangingikil kaugnay ng pagkuha ng ore transport permit (OTP) mula sa Provincial Environmental and Natural Resources Office. Humihingi umano si Julbie ng P320,000 bilang “standard operating procedure” para mailabas ang pitong OTP at nagbanta na maaantala ang proseso kung hindi magbabayad.
Nagsimula ang operasyon mula sa reklamo laban sa isang “Tope” na sinasabing sangkot sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at robbery o extortion. Ayon sa reklamo, nag-alok si Tope na “tulungan” sa pagkuha ng OTP ngunit mawawalan ng aksyon kung walang bayad. Kalaunan, sinabi ni Julbie na umano’y kasabwat ni Tope na siya na ang mangongolekta ng pera.
Isinailalim na si Julbie sa inquest proceedings para sa kasong robbery o extortion. | via Allan Ortega | Photo via MSN
#D8TVNews #D8TV
