Ipinasa na ng Office of the House Secretary General ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the House Speaker.
Ayon kay House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, pormal na na-transmit kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga reklamo nitong Huwebes, February 6, alinsunod sa Konstitusyon at sa mga panuntunan ng Kamara.
Paliwanag ni Garafil, ministerial at administrative lamang ang ginagampanang tungkulin ng kanyang tanggapan matapos ma-verify ang mga reklamo at ang kanilang mga endorsement.
Ang unang impeachment complaint ay inihain ng Makabayan Coalition at inendorse ng mga party-list representative ng ACT, Gabriela, at Kabataan.
Samantala, ang ikalawang impeachment complaint ay inendorse nina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Rep. Perci Cendaña na inihain ng mga kinatawan ng progressive at civil society groups.
Sa ngayon, Office of the Speaker na ang mga dokumento para sa nararapat na aksyon ng Kamara. | via Judea Bernardo
