Iginiit ng mga miyembro ng House minority bloc na wala silang nakikitang matibay na dahilan para magsampa ng impeachment case laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sa isang press conference, inilahad nina Akbayan Rep. Perci Cendaña at Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando ang kanilang pahayag sa gitna ng usap-usapan na ang mga alegasyon ng korapsyon laban kay Pangulong Marcos, lalo na ang mga ibinunyag ni dating Ako-Bicol Rep. Zaldy Co, ay maaaring magtulak sa impeachment.
“Noong nakaraang Kongreso, nag-file ang Akbayan ng impeachment complaint against kay VP Sara Duterte. At yung unang naging motivation natin sa pag-file na yun ay yung matindi at strong evidence na mayroon tayo. Kaya mahalaga na kung si Zaldy Co ay confident dun sa kanyang hawak na mga ebidensya, dapat illabas niya at umuwi siya dito. Kasi again, we will go where the evidence will lead us,” saad ni Cendaña.
Dagdag pa nito, dapat nakabatay sa malinaw na ebidensya at sa katotohanan ang anumang impeachment complaint.
Matatandaang inendorso ni Cendaña ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong 19th Congress.
“Ang problema kasi walang legal weight yung binabanggit ni former representative Zaldy Co. Binulalas niya lang yan sa social media. And that is why we are telling the former representative to come home at kung talagang seryoso ka dyan sa mga alegasyon mo, eh sabihin mo yan under oath so that it will have legal weight. Patungkol naman doon sa impeachment, it’s a very political process….mahirap naman ibabatay natin yung ating mga proseso sa pinost lang sa social media,” ani San Fernando.
Ayon pa rito, malabong umusad ang anumang impeachment proceedings dahil napaka-political ng proseso sa Kamara.
Giit ni San Fernando, wala pa silang naririnig o natatanggap na anumang plano sa pag-file ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos, at hindi rin ito napag-uusapan ng minority bloc. | via Andrea Matias
