Iligal na produkto ng vape, kumpiskado sa Cotabato

Ni-raid ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM) ang isang vape shop sa Cotabato City matapos madiskubreng nagbebenta ito ng mga hindi rehistradong vape products.

Sa isinagawang buy-bust operation, timbog ang isang lalaking kinilalang si alyas “Jhon Rheven” dahil sa paglabag sa Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, at Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.

Batay sa ulat na isinumite kay NBI Director Judge Jaime Santiago, nakumpirma ng surveillance na lantaran ang pagbebenta ng mga ilegal na produkto sa naturang shop. Mismong undercover agents ang nakabili ng mga ipinagbabawal na vape items na naka-display pa sa estante.

Ayon sa NBI-BARMM, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng liham mula sa Department of Trade and Industry–Office for Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, Their Devices, and Novel Tobacco Products (DTI-OSMV).

Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na bentahan ng vape, tiniyak ng NBI na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon upang masugpo ang mga negosyanteng lumalabag sa batas at nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *