Ilang senador, kinondena ang China kaugnay ng usapin sa WPS

Nilagdaan ng 15 senador ang resolusyon na kumukondena sa mga pahayag at pag-atake ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.

Hiniling ng Senado sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng kaukulang diplomatic measures upang ipagtanggol ang dignidad, soberanya, at interes ng bansa, alinsunod sa international law.

Ayon sa mga senador, hindi katanggap-tanggap at labag sa diplomatic conduct ang ginawang paninira ng China.

Iginiit din nila na may karapatan ang Pilipinas na ipagtanggol ang sarili nitong teritoryo at mga opisyal.

Nanawagan si Sen. Kiko Pangilinan na magkaisa ang buong pamahalaan laban sa umano’y pambu-bully ng China.

Samantala, iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na walang karapatan ang mga dayuhan na patahimikin ang mga Pilipino sa sariling bayan.

Nauna nang nagprotesta ang China laban kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela na sinagot naman ng Malacañang, Department of National Defense, National Security Council at DFA, na pawang kumondena sa aksyon ng China.

Dagdag pa rito, hindi lumagda sa resolusyon sina Sen. Robin Padilla at Sen. Rodante Marcoleta, na nanawagan ng maingat at mahinahong pahayag upang maiwasan ang paglala ng tensyon.

Patuloy na ipinaglalaban ng pamahalaan ang soberanya ng Pilipinas sa gitna ng umiigting na tensyon sa West Philippine Sea. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *