Ilang mga senador, suportado ang pagsasapubliko muli ng SALN

Suportado ni Senator Kiko Pangilinan ang muling pagbubukas ni bagong Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng access sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa publiko.

Hinamon din ng senador si Remulla na unahing ilabas ang SALN ni dating Ombudsman Samuel Martires mula nang umupo ito bilang Supreme Court Justice hanggang pagbaba nito bilang Ombudsman ngayong taon.

Matatandaang hinigpitan ni Martires ang access sa SALN sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukas naman si Senate President Vicente Sotto III na ilabas ang kanyang SALN dahil hindi na umano bago ito sa mga senador.

Ayon kay Sotto, pinapayagan naman ng Senado ang pag-access sa mga SALN ng mga senador ngunit kinakailangan muna ang pahintulot ng bawat isa sa kanila.

Para naman kay Senator JV Ejercito, nararapat lamang ito para sa hangad na transparency ng publiko sa gitna ng isyu sa flood control projects. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *